Telling our stories in pictures: Our photo gallery
Isulong ang Karapatan ng Kababaihan; Labanan ang Karahasan:Ang Kalahagahan ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day) [Click here for the English version]
ni Aida F. Santos-Maranan
sa ngalan ng Buklod at Nagkakaisang Kababaihan ng Angeles
Project Manager, “The Red AVP” (WeDpro,Inc.)
May 100 taon na nang unang ipagdiwang (1910) ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day. Ito ay unang idineklara sa ikalawang International Conference of Working Women sa Copenhagen na dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa labimpitong bansa. Ipinanukala ito ni Clara Zetkin (lider ng ‘”Women’s Office” ng Social Democratic Party sa Alemanya) na magkaroon ng ispesyal na araw para idulog ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang mga karapatan. Ang IWD ay isang tradisyon na nagdiriwang sa tuloy-tuloy at di napapatid na pakikibaka ng kababaihan tungo sa pagkakapantay-pantay, hustisya at kaunlaran.
Ito ay ang ating ispesyal na araw ng pagsasama-sama at pagkakaisa, isang selebrasyon para sa ating mga tagumpay, maliit man o malaki. Ito rin ay araw upang tugunan natin ang hamon para sa tuloy-tuloy nating hawakan sa ating mga kamay at kamtin ang ating mga karapatang pantao o human rights para sa tunay na makatao’t mapagpalayang kaunlaran.
Sa konsteksto ng ating kasalukuyang lipunan, hinahamon tayo ng maraming bagay. Nariyan ang El Niño na humahambalos sa libu-libong ektarya ng taniman. Nangangahulugan ito ng pagkawala ng kita para sa ating mga mga magsasaka, at kagutuman. Ang pagkagutom ng mga pamilya, ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang pagkain ay unang binabata ng kababaihan sapagkat tayo pa rin ang may pangunahing responsabilidad sa pagkalinga ng ating mga pamilya, sa pagtugon sa nagugutom at umiiyak nating mga anak. Nariyan ang banta ng kakulangan ng kuryente, isang mahalagang bagay sa araw-araw nating buhay. Nariyan ang kawalan o kakulangan ng trabaho, ng korupsyon, ng kawalan ng sapat na pondo at benepisyo at seguridad para sa ating mga karapatan sa edukasyon at kalusugan. Nariyan ang patuloy na kawalan ng kapayapaan sa ilang parte ng ating bayan lalung lalo na sa Mindanao. Patuloy ang karahasan laban sa kababaihan at sa kanilang mga pamilya.
Ang paglaban sa lumalaking bilang ng kababaihan at kabataang nagiging biktima ng karahasan – sa loob at labas ng tahanan, ay isang malaking dagok sa karapatang pantao ng kababaihan at kabataan. May epekto ito sa ating kaunlaran. Noong 1993, sa Pandaigdigang Kumperensya sa Karapatan Pantao (World Conference on Human Rights) na ginanap sa Vienna, Europa, pinagtibay ang pandaigdigang deklarasyon na ang karahasan laban sa kababaihan ay isyu ng karapatang pantao, at isyung pangkalusugang publiko (public health issue) at kundi mapipigil ay hadlang sa sustenableng kalunlaran (sustainable development). Ang karapatan at pangangailangan (needs) ay magkarugtong na hibla ng ating buhay. Hindi ito mapaghihiwalay: ang pagtugon sa kahirapan ay pagtugon sa ating mga karapatan sa larangan ng ekonomiya, panlipunan, sibil at pulitika. Sa partikular, hindi magkahiwalay ang karapatan natin sa loob at labas ng bahay lalo na sa kababaihan. Sa konteksto ng ating proyekto, ipinagdiriwang natin ang IWD bilang pagtugon natin sa karahasan laban sa kababaihan at kabataan sa ating mga syudad at barangay. Marami pang hamon, at marami pa tayong haharaping gawain. Ngunit kailangan natin ang tulong ng ating kalalakihan sapagkat ang tagumpay ng kababaihan ay tagumpay ng kalalakihan, ng ating mga komunidad at ng sambayanang Pilipino.
Buong puso kaming nagpapasalamat sa lokal na pamahalaan ng Angeles at Olongapo at mga punong barangay ng Amsic, Malabanias, Gordon Heights at West Bajac-bajac sa kanilang mainit na pagtanggap sa ating inisyatiba, sa ating proyekto. Nagpapasalamat din kami sa mga kinatawan ng European Union – sina Kgg. Gabriel Munuera-Viñals at Kgg. Camilla Hagstrom na ngayo’y kasama natin, sa kanilang suporta sa ating inisyatiba. Higit sa lahat, nagpapasalamat kami sa mga komunidad ng kababaihan at kalalakihan sa paniniwalang darating ang bukas ng tunay na pagkakapantay-pantay, hustisya at kalayaan.
Ang IWD ay ating selebrasyon. Maraming salamat at magandang araw po as inyong lahat.
Commit ▪ Act ▪ Demand: We CAN End Violence Against Women
1 year 30 weeks ago